Dalawang minuto na lang ang natitira mga
kaibigan…
Lalong umiinit ang labanan sa loob ng
studio. Mararamdaman ang magkahalong
pananabik, takot, at saya. Sabik ang bawat nanonood
sa kalalabasan ng higit dalawang oras na labanan sa
pagluluto.
…sino kaya ang tatanghaling “Pinoy Iron Chef?”
Habang patuloy sa walang katapusang pagsasalita ang
punong-abala, kalmado pa rin sa pagluluto si Iron Chef
Raphael Yoro. Mahigit tatlong minuto na ring luto ang
pinakuluan niyang karne ng bisiro. Umaalingasaw na ang
mabangong amoy ng mga sangkap nito. Nagpapatunay
lamang na palapit na ang tagumpay na kanyang
inaasam-asam.
“Blanquette de Veau” ang tawag sa resipeng kanyang
pambato sa labanang sinalihan. Veal Stew sa Ingles.
Masuwerte siya dahil karne ng bisiro ang pinaglalabanan
nila ng kanyang katunggaling chef. Karne ng bisiro
kasi ang espesyalidad ng kanyang pinamamahalaang
restawran kung saan siya ang punong tagapagluto.
Natutunan pa niyang lutuin ang resipeng ito sa
France noong siya ay nag-aaral pa ng culinary. Ngunit
sa pagkakataong ito, mas pinasarapan pa niya ang
pagkakaluto. May kaunting binago lang naman siya
sa proseso ng pagluluto at dinagdagan pa niya ng
ibang mga sangkap ang resipe. Sa ganitong paraan,
makakatikim ng kakaibang lasa ang mga hurado.
Maswerte rin siya dahil baguhan pa sa pagluluto
ang kanyang kalaban. Isa pa, apat na beses na niyang
pinanghahawakan ang tropeo ng pagiging Iron Chef
sa magkasunod na pagpapalabas ng show na ito. Kaya
kampante siya sa kanyang kinalalagyan. Ano pa kaya ang
makababalisa sa kanya?
Hindi rin maipagkakaila na marami na ang suportang
natanggap niya mula sa kanyang pamilya, mga kamaganak,
mga kaibigan, at mga ibig makipagkaibigan. “Ang
galing mo talaga Raphael,” ika nga ng ilan. “Talagang
wala nang makakatalo sa kagalingan mo sa pagluluto…
hari ka ngang tunay ng kusina.” Patuloy pa nilang
panghihibo. Sa kanya na ang gabing ito. Isa pang panalo
para sa karangalan.
Patapos na si Raphael. Inihanda na niya ang “sauce
blanche”. Habang unti-unting natutunaw ang butter sa
kasirola ay dahan-dahan nyang ibinuhos ang harina.
Inihalo na rin nya ang stock at hinalukay ang mixture. Sa
wakas, inihalo na ni Raphael ang krema, karne, patatas,
karots, at mushrooms. Natapos rin.
Tumunog ang hudyat ng pagtatapos ng labanan.
Inihanda na ni Raphael ang mga putahing niluto para
matikman na ng mga hurado. Gayundin ang ginawa ng
kanyang kalaban.
Para sa gabing ito…ang dalawang chefs sa ating
harapan ay naglalabang makagawa ng mga masarap
na putahe mula sa karne ng bisiro…sa aking kaliwa ay si
Iron Chef Raphael Yoro, sa kanan naman ay si Chef Kyle
Andrade.
Naghiyawan ang mga nanonood.
Ang desisyon…ang tatanghaling Iron chef sa gabing ito
ay si…
Itinaas ng punong-abala ang kanyang kamay at
itinungo pakanan.
Chef Kyle Andrade!
Nagdilim ang paligid ni Raphael. Hindi siya
makapaniwala sa kinalabasan. Limang taon na niyang
ginagawa ang resipe ng karne ng bisiro. Anong nangyari?
Isang oras na ang nagdaan. Hindi pa rin umalis si
Raphael sa studio. Nilapitan niya ang isa sa mga hurado.
Tinanggihan siyang bigyan ng paliwanag sa desisyon.
Sunod niyang nilapitan ang ikalawa at ikatlong hurado.
Pareho pa rin ang pakikitungo nila sa kanya. Para bang
“wala kaming dapat ipaliwanag dahil ang desisyon ay
naanunsyo na.”
Subalit mapilit pa rin si Raphael.
“Mr. Direktor, anong nagyari kanina…nagbibiro ba
kayo?”
“Sandali lang po, wala akong oras na magpaliwanag sa
inyo…may set pa kaming ihahanda para sa susunod na
show.” Hindi makatingin ang direktor sa kanya.
“Kailangan ko ng paliwanag ngayon din o idedemanda
ko ang show nyo!” Tumaas ang boses ni Raphael dala
ng magkahalong pagkadismaya at galit sa pagkatalong
nangyari.
Napatigil ang direktor sa kanyang sinabi. Tumayo ito
ng diretso at tinitigan si Raphael.
“Mr. Yoro, alam kong masakit ang matalo. Pero, sana
pakatandaan po ninyo na hindi sa lahat ng pagkakataon
ay masasarapan ang lahat ng tao sa luto niyo.” Umalis
ang direktor at ipinagpatuloy ang paghahanda.
Naiwan si Raphael na nakatunganga sa harapan ng
kanyang maruming kagamitan sa pagluluto.
Note: This is an original story by Red Phantom.
No comments:
Post a Comment
Thank you for your comment.
Red Phantom will moderate your comment later.
Keep updated!