Sunday, October 2, 2011

Muling Pagtibok ng Puso


Pauwi na noon si Andag mula sa kabilang bayan. Katatapos lang nyang makipagkalakalan. Ngunit mabigatbigat pa rin ang dala ng kanyang sinasakyang tila karwaheng walang bubong sa likuran. Hindi naubos ang ikinalakal nyang kopras.
        Biglang lumakas ang ihip ng hangin. Nagsimula naring magdilim ang paligid. Bumagsak ang pagkalakaslakas na ulan. Dumulas ang daang tinatahak nya. Hindi na mahagilap ni Andag ang patutunguhan. Binilisan na lang nya ang pagtakbo ng sasakyan nang sa gayon ay maiwasan nya ang muling paglakas ng ulan. Subalit biglang bumitaw sa pinagkakabitan ang gulong ng kanyang sinasakyan. Dumahilig ang kanyang ito at sumunod ang isang malakas na hiyaw. Nagdilim ang paningin ni Andag.
        Naaninag nya ang isang liwanag. Dahandahan nyang inimulat ang mga mata. Dagli syang bumangon. Hindi nya ang alam ang kanyang kinahihimlayan. Nasa papag sya ng isang hindi kilalang bahay. Bumukas ang pinto ng silid ng kanyang kinalalagyan. Pumasok ang isang dilag. Maamo ang kanyang mukha.
        “Nasaan ako?” usisa ni Andag. Hindi sumagot ang dilag. Sa halip ay inilapit sa panauhin ang dalang pagkain at pamunas. “Bakit ako nandito? Anong lugar ito?” tanong muli ni Andag.
        “Huwag kang mag-alala. Ligtas ka na. Mabuti pa ay magpahinga kang muli nang sa gayon ay mabawi mo ang iyong lakas.” Kinuha ng dilag ang tela. Inilublob ito sa tubig saka pinuga. Pinunasan nya si Andag.
        Iniwakli ni Andag ang kamay ng dilag. “Anong ginagawa mo...teka, sino ka ba? Bakit mo ako pinagsisilbihan ng ganito? Ni hindi mo alam kong masama akong tao,” paalala ni Andag sa dilag.
       “Bakit ako magdadalawang isip na tulungan ang isang taong nangangailangan ng tulong ko. May sugat ka pa. Hindi mo pa kayang umuwi sa inyo...” Inilapat muli ng dilag ang tela. Hindi na umayaw si Andag. Pinabayaan nya ang dilag na punasan ang mga sugat nya. Kinain rin nya ang pagkaing inilapag ng dilag sa kanyang harapan.
       Pagkalipas ng ilang oras sa silid, nagpasyang lumabas na ang dilag.
       “Kung may kailangan ka, tawagin mo lang ako...” Binuksan nya ang pinto. “Sya nga pala...Mansiginao ang pangalan ko...tawagin mo lang ang pangalan ko at pagsisilbihan kitang muli Andag.” Ngumiti ang dilag at saka lumabas ng silid.
       Namangha si Andag. Hindi nya inikalang makakatagpo sya ng isang dalagang walang pag-aalinlangang tumulong sa kapwa. Iyon ang una nilang pagkikita.
       Pagdating ng bukas ay sinimulan na ni Andag ang pagkukumpuni ng kanyang sasakayan. Tinulungan sya ng ama ni Mansiginao, si Makalangan. Inabot sila ng hapon sa pagkumpuni kaya nasa tabi lang nila si Mansiginao upang maghandog ng makakain.
       Mula noon, sa tuwing makipagkalakalan si Andag sa kabilang bayan, hindi nya kinalilimutang puntahan ang dalagang minsan nang nagligtas ng kanyang buhay.



Note: This is an original story by Red Phantom.
 
 

No comments:

Post a Comment

Thank you for your comment.
Red Phantom will moderate your comment later.
Keep updated!